top of page

6,000 mag-aaral at guro, lumahok sa CPR on Wheels sa San Jose City


cpr training in san jose city, philippines
Itinuturo sa mga mag-aaral, guro sa lungsod ng San Jose ang mga pamamaraan sa pagbibigay ng Hands-Only CPR o Cardiopulmonary Resuscitation bilang paunang lunas. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG SAN JOSE, -- May 6,000 estudyante at mga guro sa lungsod ng San Jose ang nabigyang kasanayan hinggil sa wastong pagbibigay ng Hands-Only CPR o Cardiopulmonary Resuscitation. Ayon kay Philippine Heart Association Inc. Council on CPR Chair Dr. Francis Lavapie, dumadayo ang tanggapan sa iba’t ibang lalawigan upang ituro ang kahalagahan ng pagbibigay ng paunang lunas na makapagdurugtong ng buhay lalo sa mga taong nangangailangan.  Gayundin aniya ay hinahangad ng tanggapan katuwang ang Department of Health na maging CPR Ready ang Pilipinas pagsapit ng taong 2021 na sa bawat pamilyang Pilipino ay mayroong isa man lang na miyembrong mayroong kalaaman at kasanayan sa paggawad ng Hands-Only CPR. Paliwanag ni Dr. Lavapie, ang Cardiac Arrest o biglaang pagtigil ng pagtibok ng puso ang nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao sa buong mundo na nangyayari ng biglaan at maaaring mangyari kahit kanino, kahit saan o kahit anumang oras.  Aniya, sa agad at wastong pagbibigay ng CPR ay buhay ang naidudugtong sa mga taong inatake sa puso o nalunod.  Kabilang sa mga itinuro ay ang paraan ng pagbibigay ng CPR, una ay suriin kung mayroong malay o humihinga ang pasyente. Kinakailangan ding ligtas ang kinalalagyan mula sa anumang bagay na bumabagsak o dumadaan.  Tumawag agad sa himpilan ng rescue at gawin ang chest compression hands-only CPR na aabot sa 100-120 beat kada minuto na gagawin hanggang sa magkaroon ng malay ang pasyente o sa pagdating ng rescue na magdadala sa pagamutan.  Mahalaga din aniya na malapatan ng Automated External Defibrillator ang pasyente sa mataas na tiyansa ng survival na inilalapat ng mga medical practitioners at rescuers.  Ang maipapayo naman ni Dr. Lavapie ay panatilihing malusog ang pangangatawan upang maiwasang magkaroon ng sakit. Sundin lamang aniya ang 52100-pattern kada araw na ibig sabihin ay limang serving ng prutas at gulay, hindi hihigit sa dalawang oras na paggamit ng mobile phones o gadgets, hindi din lalagpas sa dalawang gramo ang pagkain ng maaalat, mayroong isang oras na ehersisyo, zero-sugar beverages at zero-smoking. (CLJD/CCN-PIA 3)


13 views0 comments

Recent Posts

See All

Σχόλια


bottom of page